ni: Bea Katrina P. Tanhueco
Walang magandang naidudulot ang pagiging huli. Ubos oras, sayang sa oras, ngunit bakit nga ba ang ‘Filipino’ ay may konotasyong laging huli? Hindi lamang ang imahe ng bansa ang naapektuhan sa ganitong pag-uugali, hindi lang naman kasi imahe ang mayroon ang Pilinas, pati ang pag-unlad ay naapektuhan na rin sa iba’t-ibang aspeto, lalo na sa ating ekonomiya. Ayon sa isang impormanteng na aming nainterbyu, ang Pilipinas raw ay nawawalan ng milyon milyon kada oras na siya ay nahuhuli. Ang Pilipino nga naman, masyadong proud sa kulturang kinalakhan. Ngunit ito nga ba ay kulturang dapat ipagmalaki, o problemang dapat nang masolusyonan? kailangang mahanap muna ang pinagmulan.
Si Juan daw ay laging huli. Dahil naging parte na ng ating pagiging Pilipino ang tinatawag na Filipino Time, ngunit wala namang nakatitiyak kung saan nga ba ito nagmula, layunin ng aking riserts na matukoy at lalo pang palawakin ang teyoryang ito ay namana ng mga Pilipino mula sa mga Espanyol. Isang maaaring maging konkretong patunay rito ang apat na librong pampanitikan na naisulat sa pagitan ng mahigit kumulang 400 taon na tayo’y nasakop ng mga Espanyol. Ang mga librong ito ay: Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli Me Tangere, at El Filibusterismo.
Ang riserts na ito ay magiging mahalaga sa sa Transformative Learning sapagkat parehas itong kinalaman sa pagtingin natin sa mundo, kinagawian ng pag-iisip, pati na rin sa pagkuwestiyon at pag-iisip tungkol sa ating sarili, sa bayan, at sa kultura.
Bagaman ang apat na librong natukoy ay may kanya-kanyang katangiang Pilipino na siyang ipinapahiwatig (e.g. Pagmamahal sa pamilya sa Ibong Adarna, pagiging romantiko sa Florante at Laura, etc. ) tanging ang dalawang libro lamang ni Dr. Jose Rizal ang siyang nagpakita ng konkretong ebidensya na ang Filipino Time nga ay mula sa mga Espanyol. Ito ay marahil sa kadahilanang tanging ang Noli Me Tangere, at El Filibusterismo ay direktang reaksyon sa paggalaw, hindi lamang nating mga Pilipino, ngunit lalong lalo na sa galaw ng mga dayuhang mananakop at ang kanilang impluwensya sa mga Indiyo. Dito makikita na ang Filipino Time nga ay hindi naman talaga ‘Filipino’ ang pinagmulan, kung hindi ay ito ay nabuhat mula sa isa sa pinakamalaking impluwensya sa ating bansa.
Sa aking pananaliksik, isang patunay na si Rizal nga ay siyang tinutukoy sa kaniyang mga sulating ang pagiging tamad at pagiging huli, o ayon nga sa atin, ‘Filipino Time’ ng kaniyang mga kababayan. Ito ay mula sa panunulat ni Allan A. Ong, Mga Kaisipan ni Dr. Jose P. Rizal. Ang artikulong ito ay mula mismo sa kasulatan ni Rizal, na may pamagat na Tungkol sa Katamaran ng mga Pilipino. Maraming nabanggit si Rizal na dahilan at pinagmulan nito, ngunit ayon sa kanya:
"Ang hilig sa katamaran ay sadyang katutubo, at ito'y nararapat nating aminin at tanggapin, sa dahilang hindi natin mababago ang mga batas ng kalikasan, at sa dahilang kung wala niyaon ay nasipol na sana ang lahi."
Ibig sabihi’y and pagiging tamad raw ay nakasanayan na at natural sa ating mga tao. Ngunit ibig sabihin ba nito’y hindi talaga sa mga Espanyol nanggaling ang kinaugalian?
Sa ika-22 kabanata ng El Filibusterismo, makikita ang isang halimbawa ng pagiging ‘Filipino Time’ na siyang hindi naman talaga Filipino:
“Maingay sa dulaan. Lampas na sa oras ay di pa nagsisimula ang palabas dahil wala pa ang Kapitan Heneral. May nagsisipadyak ng baston at sumisigaw na buksan na ang tabing. Maraming pabastos na paghanga sa mga babae na maririnig sa mga artilyero. Maraming tsismisan. Mausok. Biglang may pagtatalong naganap sa loob ng theatre. May isang matigas ang ulo sa isang luklukang (palkoang tawag) na hindi kanya at ayaw ibigay iyon sa may-aring si Don Primitivo. Hindi ito napakiusapan ng tagapamahala. Nagsigawan ang mga artilyero. "Ibibigay o hindi na... oo na hindi!" Nalibang ang mga tao. Ang mga tanod ay di makapangahas magpaalis sa nasa upuan ni Don Primitivo dahil sa ito ay isang mataas na tao sa pamahalaan.
Dumating ang Kapitan Heneral at siya ay naupo at nanood. Tumugtog ng marcha real. Si Pepay ay nasa isang palko na handog ni Makaraig. Katapat ito ng palko ng mga estudyante. Si Don Custodio ay tinipan ni Pepay sa dulaan kaya’t di man ibig ay napilitan ang tagapagmungkahi na pasadulaan.”(El Filibusterismo, kabanata 22: Ang Palabas)
Sa ika-60 kabanata ng Noli Me Tangere, si Linares na siyang ikakasal ay nagpahuli nang sadya sapagkat para sa kanya, ang maging huli ay magpapaimportante sa isang tao (ayon sa isang book review):
“Kinabukasan, ang bulwagan ni Tiyago ay puno ng mga bisitang kastila at intsik. Nangunguna sa mga ito si Pari Salvi, Pari Sibyla, ilang pransiskano at dominikano, ang alperes na ngayon ay tinyente at may grado ng komandante, ang mag-asawang de Espadaña, si Linares na nagpatihuli ng dating at si tenyente Guevarra ng mga sibil.”(Noli Me Tangere, kabanata 60: Ikakasal na si Maria Clara)
Kung iisiping mabuti, si Linares ay isang Pilipinong pilit nagiging Espanyol. Ang kanyang interpretasyon ng pagiging huli ay marahil interpretasyon rin ng karamihan ng mga Pilipino, na ang mga importanteng tao ay laging huli. Ang aking konklusyon, maaaring natural sa ating ang tamarin at magpahuli sa mga bagay na wala namang importansya, ngunit sa ating pagdedesisyon, malaking impluwensya sa atin ang tinatawag na ‘mañana habit’ at pagpapatihuli ng mga Espanyol dati sa mga importanteng salu-salo.
Mahirap tumiwalag sa nakasanayan na, ngunit ang pagtiwalag sa nakasanayang hindi naman nakatutulong sa ating pag-unlad ay tiyak na magdudulot ng magandang pagbabago at pag-ulad, hindi lamang para sa sarili, ngunit pati na rin sa ating komunidad. Ang Pilipino: Huli man raw at magaling, nahahabol rin. Ngunit sa katayuan ng mga Pilipino ngayon, maaari na kayang mapalitan ang kasabihang ito ng: Huli man raw at magaling, makakahabol pa rin? Marahil. Sa tulong ng ating kapwa at ng kusang gawa, mawawala ang pagiging huli nating mga Pilipino.
Header Kuha ni: Wassim Abdel Naby
Disclaimer: Ang mga ginamit na imahe ay hindi pag-aari ng sumulat at pag-aari ng mga taong gumuhit at kumuha nito.
(All photos and videos used belong to their respective owner)